Hindi maikakaila ang paghihirap na dinadanas ng ating mga makabagong bayani na Overseas Filipino Workers (OFWs). Kung kaya’t, ang kanilang mga kwentong tagumpay ay nakakapag papaantig sa ating mga puso. Isa na rito ang istorya ng isang domestic helper na nakapundar at nakapagpatayo ng sarili bahay at lupa sa loob lamang ng apat na taon.
Siya ay si Janice Dalida Esmeña, 37 taong gulang at isang OFW sa Malaysia. Ibinahagi niya sa social media na siya ay isa lamang housewife noon ngunit napagdesisyunan ding makipagsapalaran sa ibang bansa upang kumita ng mas malaking pera dahil pangarap niyang makapag-ipon at makapagpatayo ng sariling bahay.
Nais din niyang mabigyan ng magandang kinabukasan ang kaniyang dalawang anak. Sa ngayon, ang mga anak niyang nasa edad 13 at 10 taong gulang ay nasa pangangalaga ng kaniyang mister sa Pontevedra, Negros Occidental.
Lubos niyang ipinapasalamat ang kaniyang mababait at mapagbigay na mga amo. Taliwas sa mga malulungkot na kwento ng ibang mga OFWs, hindi siya nakaranas ng pagmamalupit at pag-aabuso. Sinasama pa umano siya sa mga sikat na lugar sa Malaysia tulad ng Petronas Twin Towers at Pavilion Mall.
Hindi rin naapektuhan ng COVID-19 ang kaniyang trabaho sapagkat nasa loob lamang siya ng bahay upang gawin ang kaniyang mga tungkulin. Tinutulungan pa raw siya sa mga gawaing bahay ng kaniyang among babae sa kasagsagan ng tatlong buwan na lockdown sa kanilang lugar.
Sa apat na taong paninilbihan niya, naipatayo niya ang pinangarap niyang bahay, nakabili ng maliit na taniman na tubo, 43 inches na cable tv, at ilang mga appliances at gadgets para sa kaniyang pamilya. Isa daw sa kaniyang napagtanto ay hindi pa huli ang lahat para matupad ang mga pangarap, makaipon para sa mga anak at makatulong sa mga magulang.
Tunay ngang magigiting na mga bayani ang ating mga OFW at ang mga kwento tulad ni Janice ay nagpapatunay dito.
The post Domestic Helper sa Malaysia, Nakapundar ng Bahay at Lupa sa Pilipinas sa Loob Lamang ng Apat na Taon appeared first on READit.
Source: ReadIt
No comments:
Post a Comment