Pahayag ni VP Leni Robredo: Ulat, Mungkahi Ukol sa Pandemya, at Mensahe ng Pag-asa
Sa puntong ito, halos isang buwan na na mahigit isang libo bawat araw ang dagdag sa mga COVID positive cases ng bansa. Halos magdadalawang libo na rin ang pumanaw, bukod pa sa napakaraming naospital, naubusan ng ipon, nawalan ng trabaho, o nakakaranas ng paghihirap at pangamba sa mga panahong ito. Mahigit limang buwan na ang lumilipas mula nang naiulat ang unang kaso ng COVID-19 sa ating bansa.
Sa malaking bahagi ng panahong ito, minabuti ng Tanggapan ng Pangalawang Pangulo na gawin ang makakaya upang tumugon sa kahit anong paraan basta may maitulong, gaano man kalimitado ang aming budget o mandato.
Humaharap ako sa inyo ngayon upang iulat ang mga natutuhan namin sa panahong iyon: Ang feedback mula sa mga eksperto, mula sa mga doktor, at mula sa mga pinakaapektado—ang hinaing ng mga nasa komunidad, ng mga frontliners, ng mga napipilitang sumugod sa panganib dahil kailangang magtrabaho, ng mga drivers, ng mga locally-stranded individuals na napipilitang matulog sa hagdan o bangketa.
Sa harap ng ganitong kalaking krisis, lalo lang tayong malalagay sa panganib kung matitibag ang mga institusyon nating pampamahalaan. Ituring sanang karagdagang ambag ang pahayag na ito—mga rekomendasyon at aral mula sa halos limang buwan na naming pakikipag-ugnayan sa ating mga kababayan para labanan ang COVID.
Hindi mapipigil ang pandemya kung basta mag-aabang na lang tayo ng bakuna. Kailangang maampat ang pagkalat nito sa lalong madaling panahon. Nagsisimula ang lahat sa tamang datos, na pundasyon ng tamang desisyon. Mula dito, matutukoy ang kung sino at aling mga lugar ang dapat tutukan pagdating sa mass testing, contact tracing, at suporta sa mga komunidad at ospital. Kung magiging tama ang tugon sa aspekto ng healthcare, mako-control ang community transmission, magiging mas mabilis, ligtas, at strategic ang pagbubukas ng ekonomiya, maiiwasan ang pagkawala ng trabaho, at hindi na dadami pa ang dadanas ng kahirapan. Mababawasan ang pangamba ng pagsasara, at hindi na kakailanganing umabot sa punto ng pagle-layoff sa mga empleyado, o mas malala, sa pagtiklop ng mga negosyo.
Ito ang broad strokes ng plano. Wala akong duda na mulat ang pamahalaan dito. Pero malaki ang krisis, at maraming dapat gawin, kaya kailangan nating lahat maging mas maliksi sa pagtukoy sa mga puwang, at maging mabilis at malikhain sa pagpuno nito. Heto ang ilang mungkahi:
Una, linisin at pabilisin ang pagkalap ng datos ukol sa COVID-19. Kung magagawa ito, magiging mas matibay ang pinagmumulan ng mga desisyon, polisiya, at programa para mapigilan ang paglaganap ng virus.
Marami nang mga eksperto ang naglabas ng iba’t ibang platform para maging repository ng datos. Ang kailangang gawin, piliin ang pinakamainam dito, at gumawa ng isang ecosystem ng pagtugon kung saan standard ang pagka-sentralisado.
Isa pa: Kung mali at buhol-buhol ang pag-input ng data, babagal ang validation; babagal din ang proseso ng decision-making. Halimbawa: Sa data na nakakalap, may discrepancy sa mga nagpositive at confirmed cases. May mahigit 113,000 cases ang nagpositive sa testing, ngunit nasa 80,000 pa lang nito ang confirmed cases. Ibig sabihin, kailangan talagang humabol ang verification, dahil maraming positive ang hindi agad naisasama sa opisyal na data.
Dapat magkaroon ng communications campaign para ang mga nagpapagamot mismo ang tumiyak na wastong impormasyon ang naitatala tungkol sa kanila. Malawak ang kakayahan ng pamahalaang magpalaganap ng impormasyon, kaya umaasa tayong magagawa ito sa lalong madaling panahon.
Ikalawa, at karugtong nito: Isama ang mga pamantasan at academic institutions para tumulong sa validation process ng DOH. Maraming gustong tumulong, pero may mga pagkukulang sa volunteer management process. Ilista ang mga handang tumulong at ang kanilang kakayahan, at agad na silang iugnay sa mga unit na nangangailangan ng tulong upang ma-maximize ang kakayahang ito.
Maraming paraan para ma-maximize ang mga gustong tumulong. Halimbawa na lang, puwede nilang pag-aralan ang surveillance at pooled testing: Igugrupo ang mga tao at itetest nang minsanan ang grupong ito. Kung nag-negative na, hindi na sila kailangang isa-isahin pa. Sa ganitong paraan, mas marami ang matetest, pero mas makakatipid sa mga testing kit.
Ikatlo, siguruhing mabilis ang turnover time ng mga COVID-19 tests. Alamin kung bakit nagkakabacklog, kung saang mga laboratoryo ito nagaganap, at tulungan silang makahabol. Sa ganitong paraan, on-time ding mahahabol ng mga contact tracers ang mga dapat pang i-test. Sa contact tracing, alam nating may mga model at teknolohiya nang gumagana, tulad na lang ng sa Baguio. Para wala nang kanya-kanya, tumukoy na tayo agad ng iisang platform at technology, iisang standard na proseso, at imungkahi sa mga LGU na ito ang gamitin kaysa magkanya-kanyang diskarte.
Ikaapat, ukol naman sa mga locally-stranded individuals: Nagpadala na tayo ng rekomendasyon sa kinauukulan na bigyan sila ng libreng swab test bago bumiyahe. Hinahanap din ang mas organisadong pagpo-proseso ng mga LSI—at hindi ‘yong napipilitan silang matulog sa semento o sa ilalim ng tulay, o nagsisiksikan at nalalagay sa mas matinding peligro ng exposure sa COVID. Kailangang maglaan ng maayos na lugar kung saan puwede silang maghintay ng biyahe nang may sapat na espasyo at kung saan din ine-enforce na minimum health standards. Dagdag pa rito, kailangan ding tutukan at bigyang-lakas ang mga LGU para pag-uwi ng mga LSI, magkakaroon sila ng maayos na pagkakakitaan. Puwede itong gawin through cash-for-work programs na partikular para sa mga LSI.
Ikalima: Sang-ayon tayo sa pagkakaroon ng isang “whole of nation approach.” Maisagawa sana ito higit pa sa pagkakaroon ng mga bagong posisyon, bansag, o titulo ng mga tauhan. Ang totoong whole of nation approach, maayos ang pangangasiwa at kumukumpas sa iisang direksyon. Aling direksyon, at sino ang kukumpas? Dapat public health professional na tunay na nakakaintindi ng problema: Pandemya ang ugat ng lahat ng suliranin ngayon. Kapag napigil ang pandemya, isa-isa na ring malulutas ang iba pang hamon, kasama na ang sa ekonomiya.
Ikaanim: Siguruhin ding iisa ang kumpas ng pampubliko at pribadong sektor. Bukod pa sa usapin ng data, pagdating din sa ayuda at sa procurement ng mga kagamitan, marami ang pagkakanya-kanya na kung maiiwasan ay magdudulot ng mas maliksing overall response mula sa lahat. Dapat nang bumuo ng risonableng consensus ayon sa iisang stratehiya, at gumalaw ang lahat nang walang pag-aatubili, pangingimi, o hadlang.
Ikapito: Pangunahin sa isang matibay na healthcare system ang pagpapalakas sa mga ospital. Siguruhin na equitable at sistematiko ang pagbubuhos ng resources sa mga ospital para makasabay sila sa demands ng pandemya. Kung sisilipin ang national data, mukhang hindi pa overburdened ang healthcare system. Pero iba ang sinasabi ng mga ospital na nakakasalamuha namin. Marami na silang kinakailangang tanggihan dahil wala nang espasyo. Natural lang na dapat isaayos ang sistema para makarating ang suporta sa mga lugar na pinaka nangangailangan nito.
At ikawalo, para sa ating mga healthcare workers: Sila ang nasa pinaka mapanganib na situwasyon, at sila rin ang pinakamahalagang sundalo sa laban kontra COVID-19. Natural dapat na pagtuonan ng ibayong pansin ang lahat ng pag-aaruga, lahat ng tulong, lahat ng kasangkapan at serbisyong magagamit nila. Kabilang na dito ang access sa counseling para sa mga healthcare workers sa mga COVID ward. Magpatupad din dapat ng sistema para hindi sila maburn-out, tulad ng maayos na proseso ng pagrelyebo. Sang-ayon din tayo na dapat maging mas makatarungan ang pasahod sa kanila lalo na sa panahong ganito.
Ididiin ko lang: Pandemya ang ugat ng mga suliranin; kapag mabisa itong matugunan, matutugunan din ang iba pang hamon. Conversely: Habang dumadami ang nagkaka-COVID 19, lalo rin nating pinapatagal ang paghihirap ng Pilipino. Marami ang namamatay, at hindi sila statistics lang. Bawat isa sa kanila, may kuwento, may pangarap; may pamilya sila, may nagluluksa para sa kanila. At habang dumadami sila, lalo lang tayong mahihirapang umusad tungo sa isang better normal—dadami ang mga dadanas ng kahirapan, dadami ang hindi makakaambag sa nation-building, tatagal ang biyahe patungo sa katuparan ng mga pangarap natin. Magkakaugnay ang kapalaran ng bawat Pilipino.
Sa ngayon, habang pinagsisikapan nating maampat ang pagkalat ng pandemya, kailangang siguruhin na may sapat na safety nets para sa pinakanangangailangan, habang sinisiguro ding hindi na dadami pa ang mawawalan ng kabuhayan.
Una sa mga hakbang na maaaring gawin para dito ang pagsasabatas ng stimulus package sa lalong madaling panahon. Minumungkahi ng Pamahalaan na ipasa ang CREATE Bill para ibaba ang buwis ng iba’t ibang kumpanya, para maengganyo ang investors na pumasok sa Pilipinas. Magandang layunin ito, pero hindi ito sapat.
Nailatag na naman ng mga ekspertong ekonomista sa Kamara sa anyo ng ARISE Bill. Kung maisasabatas ito, magkakaroon ng dagdag at tiyak na pondo para sa mga mga programa tulad ng wage subsidies ng DOLE at cash-for-work ng TUPAD. Malinaw na mas nakatuon sa pinaka nangangailangan ang ARISE; mas inclusive ito, at mas pro-poor. Gamitin sana ang puwersa ng mayorya upang ipasa ang batas sa lalong madaling panahon.
Ikalawa: Puwede ring magbigay ng tax incentives para sa mga kumpanyang magbibigay ng ayuda sa mga apektado ng pandemya. Mabisang paraan ito para mailahok ang pribadong sekto sa pambansang pagbabayanihan.
Ikatlo: Gamitin ang buong puwersa ng economic cluster, kasama ng akademya at iba pa mula sa pribadong sektor, hindi lang para magpanday ng mga risk assessment study, pero para tiyakin na nakabatay ang mga desisyon sa pag-aaral na ito. Sayang ang kaalaman kung isasantabi lang din natin. Kung alam na natin kung alin ang mataas ang peligro, tiyakin nang ieenforce ang mga karagdagang patakaran sa kanila, kung hindi man isususpinde ang pagbubukas. Malalaman din natin, mula sa mga industriyang mababa ang peligro, kung anong klaseng skills ang puwedeng pagsanayan ng mga empleyadong hindi kayang mag-work-from-home. Pag ma-upgrade ang kanilang kaalaman, mabibigayan sila ng ibang trabaho sa mga industriyang low risk.
Ikaapat: Gumawa na ng buffer stock ng lahat ng mga materyales na kailangan ng bawat pamilya sa panahon ng pandemya: Bitamina, sabon, alcohol, face masks, at iba pa. Siguruhing hindi maaantala ang supply chain. Tutukan ang mga local producers: Suportahan sila ng teknolohiya para mas marami pa silang magawa, at mas maraming makabili na gawang lokal.
Ikalima: Atasan ang buong pamahalaan— ahat ng unit at ahensya, mula taas hanggang baba ng burukrasya—na i-patronize ang mga local businesses. I-prioritize ang mga gamit na dito mismo ginagawa sa Pilipinas, kahit pansamantala lang. Hangga’t maaari rin, i-prioritize ang pagtangkilik sa mga Micro, Small, and Medium Enterprises. Malaking ambag ang mga ito sa pagsigurong dadaloy ang enerhiya ng ekonomiya sa mga negosyo at komunidad.
Ikaanim, ukol sa Social Amelioration Program. Noong una itong inilunsad, binigyan ng slots ang bawat munisipiyo at lungsod. Maraming mga LGU ang namroblema dahil kulang ang binigay sa kanilang slots. Kailangang gawing mas sistematiko ito; linisin ang government data, at patalasin ang isang central database para sa poverty statistics. Sa ngayon, may iba-ibang registry para sa mga basic sectors, para sa talaan ng maralita, para sa targeting ng mga social protection at social welfare services. Pag-isahin ito, i-validate, at ibangga sa talaan ukol sa COVID-19, upang matukoy kung sino ang dapat i-prioritize sa SAP. Sa ganitong paraan, walang palakasan, at mapa-prioritize natin ang mga tunay na nangangailangan.
Sa mga susunod na panahon, kailangang harapin ang mga suliranin sa ekonomiya. Siguruhing matutulungang makabangon muli ang mga nagsarang negosyo, o di kaya mag-engganyo ng pagbubukas ng bago; palakasin ang mga ito, para makalikha ng trabaho. Tiyak kong alam ng mga economic managers ang mga hakbang para magawa ito: I-empower ang mga MSMEs. Tutukan ang mga key industries tulad ng agriculture. Sang-ayon ako sa Plant, Plant, Plant. Ngunit hindi ito sapat. Kailangang buhusan ng pondo ang sektor ng agrikultura para sa makabagong kagamitan tulad ng cold storage facilities at drying facilities, at para sa imprastruktura tulad ng farm-to-market roads. Mas mainam, mas pangmatagalan, at mas marami ang matutulungan kung nagmumula ang anumang proyekto sa batayang pilosopiya: Empowerment ng Pilipino para panghawakan ang sarili nilang kapalaran. Ang pinakamahalaga: siguruhin na ipapatupad ang mga batas nang patas para sa lahat—nang walang pinapaboran o ginigipit, at nang laging nakatuon sa karaniwang Pilipinong makikinabang sa trabaho at kabuhayang malilikha.
Gaya ng sa ekonomiya at ayudang panlipunan, susunod din ang tugon sa mga hamon sa edukasyon kung maiaayos ang tugon sa mga problemang pangkalusugan. Kung maayos ang datos, matutukoy natin nang may kumpiyansa kung saan ligtas magbukas ng mga pampublikong paaralan. Para sa mga private schools: Now is not the time to burden them with unreasonable restrictions and requirements. Ang kailangan nila, tulong at empowerment—hindi patung-patong na papeles para payagan silang magsimula ng distance learning. Bukod dito, inihahain din natin ang ilang mungkahi:
Una, siguruhing mayroong internet hub ang bawat barangay upang magkaroon ng access ang mga estudyanteng walang sariling gadgets sa mga resources na mahahanap online. Dito rin sila puwedeng magkaroon ng mga tutor na magiging isa pang antas ng suporta, lalo na kung may puwang sa kaalaman o may ibang kailangang tutukan ang mga magulang.
Ikalawa, mag-target ng mga pinaka nangangailangang estudyante upang mabigyan ng gadget o device para hindi maantala ang kanilang pag-aaral.
Ikatlo, capacity building para sa mga teachers. Maraming guro ang may malalim na karanasan sa subject matter nila, pero nahihirapang makahabol sa demands ng distance learning. Kailangan silang tulungan; kailangang ilapit ang pagsasanay sa kanila, para hindi na ito manganak ng mga puwang sa kaalaman ng mga estudyante.
Ikaapat: Gumawa ng modules na magtuturo sa mga magulang kung paano magsagawa ng home schooling. Kasama na dito ang paghahanda ng weekly or monthly curriculum na puwedeng ang magulang mismo ang magturo sa kanilang anak.
Ikalima: Gumawa ng pag-aaral at tukuyin na agad ang mga lugar kung saan walang community transmission ng COVID. Sa mga lugar na ito, lalo na sa mga mahirap ang internet access, pahintulutan ang limitadong pagtuturo sa mga classroom.
Ikaanim, para sa mga namatayan: Bukod sa karaniwang ayuda tulad ng pagamot at SAP, kailangang intindihin ang malawakang epekto sa mga naiwan. Dagdag sa pagluluksa, nawalan sila ng breadwinner o nabaon sa utang. Kapag pinabayaan natin ang mga naiwan, lalo na ang mga anak na nag-aaral, tatawid sa susunod na henerasyon ang pinsalang dulot ng pandemya.
Isang paraan para tugunan ito: Palawakin ang mga scholarship program para matulungan ang mga tinamaan ng COVID: Silang napilitang simutin ang ipon, mga nabaon sa utang dahil sa gastos sa ospital, o mga nawalan ng trabaho at kabuhayan. Bigyan ng scholarships ang mga namatayan. Kailangang tukuyin ang mga dependent ng mga pumanaw, at magbukas ng scholarship fund para sa kanila.
Malinaw ang pangambang bumabalot sa lahat. Kita ito sa mukha ng mga nakasalamuha namin sa ating COVID response efforts. Binibigkis tayo ngayon ng pangambang ito—pero binibigkis din tayo ng panindigang maalpasan ang ating mga suliranin.
Idinidiin ng pandemya ang aral: Magkakarugtong ang diwa nating lahat. Magkakarugtong ang kalusugan at kaligtasan natin, at karugtong naman nito ang bawat aspekto ng buhay natin, mula ekonomiya hanggang edukasyon. Nakatahi ang laylayan sa alinmang sentro, mula Batanes hanggang Jolo.
Nasa iisang panig tayong lahat, at ang pagkamulat sa katotohanang ito ang susi sa pagharap sa hamon ng COVID. Nakikita natin ito sa halimbawa ng mga bansang nagkaroon ng mabisang tugon sa pandemya. Hindi kalabisang mangarap na kaya rin natin ang ginawa ng Taiwan, ng South Korea, Vietnam, ng New Zealand—mga bansang gumawa ng malinaw at tiyak na hakbang, itinuon ang resources sa tunay na kailangan, at nagtulungan. Kaya din natin iyon. May sapat tayong kakayahan, sapat dapat na resources, at sapat na kaalaman.
Malikhain tayo. Maabilidad tayo. At sa dinami-dami ng pagsubok na pinagdaanan natin—sa lahat ng sakuna, sa digmaan at diktadurya, sa pananakop—may isang bagay na tiyak: Nakaalpas lang tayo dahil hindi tayo nagkanya-kanya; dahil pinalawak natin ang saklaw ng malasakit natin; dahil itinuring nating kakampi ang bawat Pilipino, ipinaglaban natin sila, minahal natin sila.
Nakita ko ito mismo sa napakarami nating mga kababayan na lumapit sa aming Tanggapan para magbigay ng donasyon, para mag volunteer na magdala ng PPE at pagkain sa ating mga frontliner, para mag-ambag ng kanilang panahon at talino para makatulong sa gitna ng krisis ng COVID. Malinaw sa akin, hindi pasaway ang Pilipino, kundi laging handang tumulong sa kapwa. Hindi inutil ang Pilipino, kundi may tapang at talino na humarap sa anumang hamon. Hindi talunan ang Pilipino. At tiyak na magtatagumpay tayo laban sa pandemyang ito.
Uulitin ko: Kinaya na natin ang marami pang ibang hamon, at kakayanin natin ito.
The post Watch Live: Pahayag ni VP Leni Robredo: Ulat, Mungkahi Ukol sa Pandemya, at Mensahe ng Pag-asa appeared first on VIVA FILIPINAS.
Source: Viva Pilipinas
No comments:
Post a Comment